Patuloy na binabantayan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa mga pangunahing pantalan sa bansa dahil sa paggunita ng Undas.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, bagamat handa na sila sa buhos ng mga pasahero na inaasahang magsisimula ngayong October 30 ay paunti-unting pasahero pa lang ang kanilang naitatala sa mga pantalan.
Isa sa mga tinitignan na dahilan ng PPA ay ang mas maiksing bakasyon dahil magiging over the weekend lang ang paggunita ng Undas.
Sa kabila nito ay nananatili sa 1.93 million na pasahero ang inaasahang pasahero ng PPA na gagamit ng mga pantalan sa buong bansa.
Tiniyak din ni Santiago na hindi sila nagpapatumpik-tumpik sa seguridad at mahigpit na ang mga ipinatutupad nilang security protocols.
Patuloy din ang kanilang monitoring sa mga sasakyang pandagat upang maiwasan ang overloading na posibleng pagmulan ng aksidente.
Paalala pa ng PPA sa mga pasahero na iwasan na rin ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit upang hindi na maantala ang kanilang mga biyahe.