Photo courtesy of PCG
Paiigtingin ng Department of Transportation o DOTr ang pagpigil sa mga paglabag sa maritime safety rules, partikular sa pagbiyahe ng mga barkong hindi ligtas sa paglalayag at pagsasakay ng sobrang daming pasahero.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, makikipagpulong siya sa Philippine Ports Authority o PPA, Maritime Industry Authority o MARINA at Philippine Coast Guard o PCG upang talakayin ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan sa kaligtasan ng mga barko.
Binigyang-diin ni Dizon na kailangang matiyak ang seaworthiness ng bawat barko bago payagang bumiyahe, gayundin ang pagsunod sa itinakdang kapasidad ng mga sasakyang pandagat.
Giit ng kalihim, hindi na dapat maulit ang mga insidenteng naglalagay sa panganib sa buhay ng mga pasahero.
Dapat ding mapanagot ang mga operator at iba pang mapatutunayang lumabag sa mga regulasyon.
Ito ang naging pagtitiyak ng kalihim kasunod ng inaasahang buhos ng mga pasahero sa mga pantalan kaugnay ng paggunita ng Undas.