Bumuo na rin ang Philippine National Police (PNP) ng Regional Task Group na siyang tutulong sa Tracker Team na binuo rin para sa pagtugis kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Deputy Chief PNP for Administration at Supervisor ng Tracker Team, PLtGen. Wilson Joseph Lopez na nakababa na ang kanilang mga tauhan para sa pinaigting na pagtugis sa senador.
Tiniyak pa nito na wala silang palalampasin kahit isang anggulo, mapasuko lamang nang mapayapa si Dela Rosa.
Binigyang-diin pa ni Lopez na paiiralin pa rin nila ang “maximum tolerance” sa pagsisilbi ng warrant bagaman una na nilang sinabi na handa ang pulisya sa anumang posibilidad.
Pagtitiyak pa ni Lopez, hindi masasaktan si Dela Rosa gaya ng iniisip ng kampo nito dahil malinaw ang layunin nila na mapayapang resolbahin ang problema.