Layong wakasan ang diskriminasyon at abala sa mga babaeng may asawa ang dalawang panukalang batas na magbibigay-linaw sa karapatan nilang panatilihin ang kanilang maiden surname o apelyido bago ikasal.
Ayon kay House Committee on Revision of Laws Chairman at Batangas Representative King Collantes, layunin ng House Bills 1648 at 8630 na amyendahan ang Article 370 ng Civil Code upang malinaw na kilalanin ang opsyon ng mga babaeng panatilihin ang kanilang apelyido kahit kasal na.
Paliwanag ni Collantes, nagkakaroon ng diskriminasyon dahil sa maling interpretasyon o hindi pare-parehong pagpapatupad ng umiiral na batas.
Kabilang dito ang pagpilit sa mga babaeng gamitin ang apelyido ng kanilang asawa sa mga opisyal na dokumento at pagtanggi sa kanilang mga transaksiyon kapag maiden name ang ginamit.
Inaprubahan ng komite ang panukala noong Oktubre 5, 2026.
Umaasa si Collantes na maisasabatas ito ngayong 20th Congress upang maalis ang kalituhan at hindi kinakailangang hadlang na nararanasan ng mga babaeng may asawa sa kanilang pang-araw-araw na transaksiyon.
“It is the position of the Committee on Revision of Laws that clarifying the ambiguity in Article 370 will help address the discriminatory practices and inconvenience experienced by women due to the misinterpretation or inconsistent application of the said provision by ordinary Filipinos. This includes requiring married women to use their husbands’ surnames in accomplishing official forms, as well as refusing to process otherwise valid transactions when married women use their maiden surnames.” paliwanag ni Collantes.