Photo courtesy of PCG
Bumaba ng halos 50% ang bilang ng mga pasaherong bumiyahe sa mga pantalan nitong Undas 2026 kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, isa sa mga nakikitang dahilan nito ang pagtaas ng pamasahe sa barko na umaabot sa 10 hanggang 15 porsyento.
Sa Batangas Port, nasa pito hanggang walong libong pasahero lamang ang naitala noong Oktubre 31, kumpara sa karaniwang 17,000 hanggang 21,000 pasahero kada araw tuwing peak season.
Posible rin umanong ipinagpaliban ng ilang pasahero ang kanilang biyahe dahil sa mas mahabang bakasyon sa kalagitnaan ng Nobyembre.
Dahil dito, nanawagan si Santiago sa mga shipping company na pag-aralang ibaba ang pamasahe upang mahikayat ang mas maraming biyahero.
Samantala, libre muna ang passenger terminal fee sa bagong passenger terminal building sa Lucena Port hanggang katapusan ng taon.
Naghahanda na rin ang PPA sa posibleng pagdagsa ng mga pasahero mula Nobyembre 13 hanggang 18.