Inilunsad ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang isang nakatalagang grupo ng mga labor arbiter na tututok sa mga reklamo ng Overseas Filipino Workers (OFWs), kasabay ng pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo nito ngayong November 4, 2026.
Binubuo ang bagong grupo ng 10 miyembro na may orihinal at eksklusibong hurisdiksyon sa mga labor claim ng land-based at sea-based OFWs.
Layunin nitong mapabilis ang pagresolba sa mga nakabinbing kaso at mas mapalawak ang access ng mga OFW sa legal na proteksyon at katarungan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Labor Secretary Francis Tolentino na mahalaga ang papel ng NLRC sa pagpapanatili ng maayos na ugnayan ng mga manggagawa at employer, gayundin sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan.
Tiniyak din ni Tolentino ang buong suporta ng DOLE sa NLRC, kabilang ang pagpapalakas ng case management, digital filing at hearings, at pagpapalawak ng conciliation at mediation upang maagapan ang mga labor dispute bago mauwi sa matagalang paglilitis.
Ayon naman kay NLRC Commissioner Jose Del Valle Jr., bahagi ang hakbang na ito ng patuloy na pagpapahusay sa proseso ng komisyon upang maging mas mabilis at hindi maging pabigat sa mga manggagawa at employer ang pagresolba sa mga reklamo.
Ang ika-52 anibersaryo ng NLRC ay may temang “Serbisyong Patas at Tapat tungo sa Bagong Pilipinas.”