Matagumpay na naisagawa ang Memorandum of Agreement Signing sa pagitan ng Pag-IBIG Fund Dagupan Branch at The Medical City Pangasinan.
Ang kasunduang ito ay magbibigay daan upang ang mga miyembro ng Pag-IBIG Fund, sa pamamagitan ng kanilang Loyalty Card, ay makakuha ng 10% na diskwento sa bayad sa laboratory at imaging services, gayundin ng 5% na diskwento sa mga gamot at iba pang medical supplies ng nabanggit na ospital.
ayon kay Pag-IBIG Fund MSO Group North Luzon Vice President Ms. Jacqueline Constantino, ang Loyalty Card ay daan para sa karagdagang benepisyo upang maiparamdam ng kanilang opisina ang pagmamahal sa mga miyembro nito na hindi naman nangangailangan pa ng kanilang mga programa gaya ng housing loan at multi-purpose loan.
Para naman kay The Medical City Pangasinan President and CEO Dr. Juan Antonio Maximiano Escano, malaking bagay sa kanila ang ugnayang ito kasama ang Pag-IBIG Fund lalo na at ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroon silang kasunduan sa pagitan ng isang national agency.
Aniya, masaya silang simulan ang ugnayang ito kasama ang Pag-IBIG Fund at nais nilang maging enterprise-wide ito na nangangahulugang gagawin din sa iba pang lugar sa bansa kung saan mayroong operasyon ang The Medical City.
Nanguna sa aktibidad para sa Pag-IBIG Fund sina MSO Group North Luzon Vice President Ms. Jacqueline Constantino, Ilocos Region Area Head Ms. Merriam Pamittan at Dagupan Branch Head Ms. Corina Joyce Calaguin. Para naman sa The Medical City Pangasinan, naroon ang kanilang President and CEO na si Dr. Juan Antonio Maximiano Escano at Marketing Head na si Ms. Danica Baloto.

