Patuloy na isinusulong ni House Committee on Basic Education Chairman Rep. Roman Romulo na taasan ang nakukuhang subsidiya ng mga iskolar sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Kasunod ito ng pag-apruba ng bicameral conference committee sa panukalang palawakin pa ang Tertiary Education Subsidy, kung saan direktang makikinabang at bibigyang-prayoridad bilang mga iskolar ang mga kabilang sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program households.
Sa panayam kay Rep. Romulo sa Bagong Pilipinas Ngayon, iginiit nito na hindi sapat ang P20,000 kada taon na subsidiyang natatanggap ng mga iskolar para sa kanilang gastusin sa pag-aaral. Aniya, kung tutuusin, katumbas lamang ito ng humigit-kumulang P100 kada araw na pantustos sa pag-aaral ng mga estudyante.
Hinihintay na lamang ng komite ang rekomendasyon ng Commission on Higher Education at ng Technical Education and Skills Development Authority kaugnay ng halagang dapat idagdag sa subsidiya.
Ayon naman kay Rep. Romulo, masasabing sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay naibigay ang pinakamataas na pondo para sa programa, na umabot sa P30.8 bilyon para sa 2026.| ulat ni Louisa Erispe