Courtesy of Philippine Coast Guard
Pormal nang ipinadala ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) ang kani-kanilang contingents para sa paglahok sa Rim of the Pacific Exercise 2026 o RIMPAC 2026 sa Hawaii.
Isinagawa ng PCG ang send-off ceremony para sa BRP Gabriela Silang sa Pier 13, South Harbor sa Maynila habang nagsagawa rin ng hiwalay na seremonya ang PN para sa BRP Miguel Malvar sa Subic, Zambales.
Makasaysayan ang paglahok ng PCG sa RIMPAC dahil ito ang unang pagkakataon na sasabak ang BRP Gabriela Silang sa pinakamalaking international maritime exercise sa mundo at ang kauna-unahang partisipasyon ng ahensya sa naturang pagsasanay.
Makikibahagi ang PCG contingent kasama ang mahigit 30 bansa sa mga aktibidad na nakatuon sa maritime security, maritime law enforcement, humanitarian assistance and disaster response, at pagpapalakas ng interoperability sa pagitan ng mga bansang kalahok.
Inaasahang magbibigay ang RIMPAC 2026 ng dagdag na karanasan at kakayahan sa mga tauhan ng PCG sa larangan ng maritime operations, disaster response, at maritime safety habang pinalalakas ang kooperasyon ng Pilipinas sa mga kaalyado at partner nations sa Indo-Pacific region.