Sa pinaigting na kampanya laban sa mga fixer, siyam na hinihinalang fixer ang naaresto sa isinagawang anti-fixing operation sa paligid ng Land Transportation Office (LTO) Pasay District Office nitong Huwebes.
Ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng LTO, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG), bilang bahagi ng hakbang laban sa mga iligal na transaksyon sa loob at paligid ng mga tanggapan ng ahensya.
Matapos ang operasyon, dinala ang mga nahuling indibidwal sa Pasay City Police Station para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Pinuri naman ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang koordinasyon ng mga law enforcement agencies na naging daan sa pagkakahuli ng mga hinihinalang fixer.
Muli ring pinaalalahanan ng LTO ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer at dumaan lamang sa mga lehitimong proseso ng ahensya para sa kanilang mga transaksyon.