Pinapayagan na muling dumaan ang mga motorista sa Edsa Quezon Avenue Northbound Flyover, matapos na maalis na ang oil tanker na bumangga sa concrete barriers sa lugar.
Bandang 8:12am nang tuluyang mahatak ang tanker at sinundan ito ng paglilinis ng mga tauhan ng MMDA, para maalis ang mga natirang langis sa kalsada mula sa makina ng tanker.
Matapos naman ang clearing operations, bandang 8:30am ay binuksan na rin muli sa mga motorista ang flyover kasama na rito ang mga bumabiyaheng EDSA Carousel Bus.
Sa naunang ulat ng MMDA, naganap ang insidente bandang alas-5:26 ng umaga kung saan nahagip ng tanker ang 11 concrete barriers at isang plastic barrier. Ang tanker ay may kargang gasolina na nagmula sa Batangas at patungo sana sa La Union.
Sa kabila ng insidente, wala namang naitalang pagtagas ng gasolina na laman ng tanker at ligtas din ang driver at pahinante nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa