Nagpaalala ang Commission on Filipino Overseas (CFO) sa mga Pilipinong nagnanais mag-migrate sa ibang bansa na tiyaking dumaan sa tama at legal na proseso ng pag-alis.
Ayon kay CFO Secretary Dante “Klink” Ang II, nagiging mas delikado ang sitwasyon ng mga migranteng may planong permanenteng manirahan sa ibang bansa ngunit hindi sumusunod sa itinakdang mga legal na pamamaraan.
Aniya, ang mga hindi dokumentado o dumaraan sa illegal na proseso ay mas nagiging vulnerable sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso, kabilang ang pagsasamantala sa trabaho, panlilinlang, at iba pang paglabag sa kanilang mga karapatan.
Patuloy namang hinihikayat ng CFO ang mga nagnanais mag-migrate, na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang makakuha ng tamang impormasyon at gabay kaugnay ng kanilang pag-alis. | ulat ni Zef Bosongan