Nananatili pa rin sa Medical City sa Pasig City si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Ito ang kinumpirma ng Philippine National Police-General Hospital (PNPGH) matapos na pansamantalang payagan ng Sandiganbayan ang dating kalihim sa hiling na hospital arrest.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP GH Chief PCOL Dr. Cleto Manongas, nananatili pa rin si Bonoan sa nasabing pribadong ospital dahil hinihintay pa ang paglabas ng resulta ng mga medical examination niya. Dito aniya malalaman kung maaari na siyang ilipat sa PNPGH.
Ayon kay Manongas, sumailalim sa angiogram at 2D echo procedure ang dating kalihim.
Hindi pa rin masabi kung hanggang kailan magtatagal sa Medical City si Bonoan dahil sa mga sakit nito.
Nabatid na sa arraignment kahapon sa Sandiganbayan ay sinabi na napakaraming sakit ng dating kalihim kabilang dito ay ang acute coronary syndrome, heart failure, hypertension, Type 2 diabetes, chronic kidney disease, carcinoma, prostate cancer, at spine pain.
Sinabi ng Manongas na ang mga sakit na ito ay ngayon lang nila nalaman dahil noong una ay hypertension lang ang sakit nito.