Mahigpit ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng National Electrification Administration (NEA) sa Department of Education (DepEd) upang masiguro na magtutuloy – tuloy lamang ang supply ng kuryente sa mga paaralan para sa nalalapit na pasukan ng mga estudyante sa June 8.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NEA Administrator Antonio Almeda, taon – taon silang naglalatag ng counter measures at check and balances, para dito.
Mahigpit aniya ang monitoring ng kanilang hanay sa electric cooperatives. At lahat ay naka-antabay sa distribution operation ng mga ito.
Sa kasalukuyan, wala aniya silang nakikitang balakid o major issues na maaaring maka-apekto sa supply ng kuryente sa mga paaralan, bukod sa pagsailalim sa Yellow Alert ng Visayas, na aniya ay generation issue.
Ang mga paaralan aniya, ikinukonsidera na critical service area, kaya’t kabilang ito sa prayoridad ng electric cooperatives, sa pagsisiguro na ang lahat ng imprastruktura para sa supply ng kuryente ay maayos. | ulat ni Racquel Bayan