Upang matulungan ang mga pamilyang Pilipino na makatipid at makaiwas sa labis na gastusin ngayong darating na pasukan, naglabas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng isang komprehensibong “Balik Eskwela Checklist”.
Layunin ng kampanyang ito na gabayan ang mga magulang at mag-aaral na maging matalino at mapanuring mamimili.
Ayon sa DTI, may apat na pangunahing paalala para sa darating na school year 2026-2027:
- Magtakda ng Budget at Unahin ang Pangangailangan: Pinapayuhan ang publiko na magplano bago mamili at manindigan sa nakalaang budget. Mas mainam na unahin ang mga pinakamahahalagang gamit at iwasan ang biglaang pagbili ng mga hindi naman kailangan.
- Maghambing ng Presyo Bago Bumili : Isang mabisang paraan ng pagtitipid ang pagka-canvas o paghahambing ng presyo sa iba’t ibang pisikal na tindahan o online shops para sa mga school supplies, uniporme, at gadgets upang makasiguro sa de-kalidad ngunit abot-kayang presyo.
- Suriin ang Kalidad at Label ng Produkto: Paalala ng DTI na kilalanin at siyasating mabuti ang mga produkto tulad ng bag, baunan, at notebook upang matiyak na ang mga ito ay ligtas, matibay, at may wastong tatak o label para maiwasan ang mga substandard na kalakal.
- Abangan ang mga Diskwento at School Fairs: Hinihikayat ng pamahalaan ang mga mamimili na samantalahin ang mga promo at discount caravans tulad ng “Balik-Eskwela Diskwento Caravan” ng DTI. Bukod dito, isinasagawa rin ang “Konsyumer Assembly sa Eskwela (KAsE)” upang turuan ang mga mag-aaral tungkol sa kanilang mga karapatan, tamang gawi sa paggastos, at kaalamang pinansyal.
Bukod sa mga tip na ito, pormal ding inilunsad ng ahensya ang “Gabay sa Pamimili ng School Supplies”. Ang opisyal na price guide na ito ay naglalaman ng mga presyo ng mga karaniwang gamit sa eskwela gaya ng notebook, pad paper, lapis, ballpen, krayola, pambura, sharpener, at ruler.
Maaaring i-scan ng mga magulang ang QR code o bisitahin ang link na bit.ly/2026SchoolSuppliesPriceGuide upang makita ang buong listahan ng presyo at masiguro na hindi sila mapagsasamantalahan sa merkado.




