Screenshot
Pinayagan ng Sandiganbayan 5th Division ang hiling ni dating DPWH Sec. Manuel Bonoan na mailagay sa hospital arrest habang dinidinig ang mga kasong plunder at graft laban sa kanya.
Sa pitong pahinang resolusyon na nilagdaan ni Associate Justice Zaldy V. Trespeses, ‘partially granted’ ang mosyon ni Bonoan dahil bagama’t pinayagan siyang mailagay sa hospital arrest, sa PNP General Hospital sa Camp Crame siya macoconfine at hindi sa The Medical City sa Pasig.
Kinunsidera ng hukuman sa desisyon nito ang edad at ‘life-threatening’ na kondisyon ng kalusugan ng dating kalihim.
Binigyang-diin naman ng Sandiganbayan na ang kasong plunder ay isang non-bailable offense, kaya kinakailangan pa ring manatili sa kustodiya ng pamahalaan si Bonoan para matiyak ang kanyang pagdalo sa mga pagdinig ng korte.
Inatasan ng Sandiganbayan ang attending physician ng PNP General Hospital na magsumite sa loob ng 5 araw ng isang independent medical evaluation report para mapatunayan ang kalagayan ng kalusugan ng dating kalihim.
Habang hinihintay ang resulta ng naturang pagsusuri, mananatili si Bonoan sa ilalim ng mahigpit na hospital arrest at nasa kustodiya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG.
Kapag idineklarang ligtas na siyang ma-discharge ng mga doktor, agad siyang ililipat sa New Quezon City Jail sa Payatas sa oras na utusan ng hukuman.
Lahat naman ng gastusin kaugnay ng kanyang pagpapagamot, pananatili sa ospital, at iba pang kaugnay na gastos ay sasagutin mismo ni Bonoan.
Si Bonoan ay co-accused ni Sen. Jinggoy Estrada sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control na kasalukuyang dinidinig ng Sandiganbayan.