Umabot sa $9.66 bilyon ang personal remittances ng mga overseas Filipino sa unang tatlong buwan ng 2026, mas mataas ng 2.8 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) , patuloy na nagsisilbing mahalagang suporta ang mga padala ng mga Pilipino sa ibang bansa para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya at sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ipinaliwanag ng BSP na may dalawang uri ng remittances na natatanggap ng bansa mula sa mga overseas Filipino.
Kabilang dito ang cash remittances na tumutukoy sa mga padalang pera na dumaraan sa mga bangko at iba pang pormal na financial channels.
Mas malawak naman ang saklaw ng personal remittances dahil bukod sa cash transfers, kasama rin dito ang mga padalang gamit o balikbayan boxes at mga perang ipinadadala sa pamamagitan ng informal channels.
Patuloy na nananatiling mahalagang pinagkukunan ng kita ng bansa ang remittances mula sa mga overseas Filipino na tumutulong sa pagpapalakas ng domestic consumption at pambansang ekonomiya.