May fuel reserves pa ang bansa sa susunod na 39 na araw.
Ito ang ipinahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro base na din sa naiulat ng Department of Energy (DOE) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong nakaraang Martes na pulong sa Malacañang.
Base sa report na nailatag sa nabanggit na pulong, nasa 46 days pa ang kayang itagal ng reserbang langis ng bansa as of May 29.
Kaya kung kukwentahin, lalabas na nasa 39 na araw as of today o June 5 ang imbak na suplay ng langis ng Pilipinas.
Nangangahulugan ito na may nakahandang reserba ang bansa na maaaring gamitin upang matugunan ang pangangailangan sa langis sa loob ng mahigit isang buwan.
Kaugnay din ng ginawang pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa DOE nitong Martes, sinabi ni Castro na mahaba-haba din ang naging diskusyon kung saan ay napag-usapan din ang tungkol sa power supply and grid conditions sa Luzon at Visayas. | ulat ni Alvin Baltazar