Nababahala si House trial spokesperson Zia Alonto Adiong hinggil sa umano’y pagsisikap na siraan ang mga miyembro ng Kamara na sangkot sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay sa gitna nang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis ng impeachment court sa July 06.
Ayon kay Alonto Adiong, ang naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay tila lumihis na sa layunin nitong imbestigahan ang flood control projects.
Sa halip aniya, ang mga pangunahing tinatamaan ay ang House prosecutors at iba pang opisyal na may papel sa impeachment case, na walang konkretong basehan at ebidensya.
Naglabas na din ng pahayag ang ilang mga mambabatas na bahagi ng prosecution panel laban sa akusasyon, habang kinukwestiyon ang timing ng mga paratang.
Pinayuhan din ng mambabatas ang publiko na manatiling nakatuon sa tunay na isyu, partikular ang mga alegasyon at ebidensyang nakapaloob sa Articles of Impeachment, na dapat timbangin sa tamang forum—ang impeachment court. | ulat ni Melany Valdoz Reyes