Mariing kinokondena ng Makabayan Bloc ang umano’y “political demolition” na isinagawa ng tinaguriang “Blue Ribbon Committee” sa Senado.
Ayon sa grupo, nakakahiya na ginagamit ang legislative inquiry at pasilidad ng Senado para manira ng walang basehan sa mga progresibong lider at dating kinatawan ng Makabayan.
Giit ng grupo, wala umano silang infrastructure allocations o project insertions, kaya walang anumang kickback na maaaring matanggap.
Anila, puno ng tsismis, haka-haka, at pampulitikang agenda ang hearing na ginawa ng Blue Ribbon Committee.
Dagdag pa ng Makabayan, ang iprinesentang ‘ebidensya’ ay puro kwento at kasinungalingan, at kitang-kita ang pagbabago ng testimonya depende sa kakampi o kalaban ng testigo.
Diin ng grupo, kailangan nang ayusin ng Senado ang kanilang pamamalakad at hindi ginagamit ang pondo at pasilidad ng bayan para sa bogus na hearing, bogus na testigo, at bogus na ebidensya.
Iginiit ng Makabayan Bloc na hindi sila magpapasindak sa gawa-gawang mga alegasyon, political harassment, o smear campaigns, at patuloy nilang ipaglalaban ang katotohanan at pananagutan laban sa korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.