Pinag-iingat at pinaghahanda ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko partikular na ang mga taga Luzon hinggil sa posibleng epekto ng Tropical Depression Ester.
Ito’y makaraang mamataan ng PAGASA ang naturang sama ng panahon sa layong 225 kilometro, Kanluran ng Itbayat sa Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras.
Ayon sa OCD, maaaring magdulot ng pagbaha ang bagyo dahil sa malalakas at tuloy-tuloy na pag-ulan na makapipinsala sa mga istruktura at pananim.
Posible rin itong maka-kontamina ng inuming tubig na maaaring makapagdulot din ng sakit sa mga komunidad.
Kasunod nito, nagbabala rin ang OCD sa posibleng daluyong o matataaas at malalakas na alon gayundin ng pagbaha sa mga lugar sa dalampasigan.
Samantala, tiniyak naman ng OCD ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa epekto ng bagyo.