Mariing kinondena ng Senate media ang binitawang pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na ‘bayaran’ ang mga miyembro ng mainstream media.
Sa isang pahayag, sinabi ng Senate media na ang sinabi ni Marcoleta ay iresponsable at pag-atake sa isang institusyon na kinikilala bilang mahalaga sa isang gumaganang demokrasya.
Giniit ng Senate media na ang naturang pahayag ay maaaring magpahina sa tiwala ng publiko sa lehitimong pamamahayag at magdulot ng mas matinding hostility laban sa media.
Anila, makatarungan at mahalaga sa isang demokratikong lipunan ang pagpuna sa media pero malaki ang pagkakaiba ng constructive criticism at ng paghusga sa buong propesyon.
Binigyang-diin ng grupo na ang mga public official na gumagawa ng seryosong paratang laban sa mga mamamahayag ay may pananagutang magpakita ng ebidensya at hindi umasa sa mga pahayag na maaaring makasira sa mga demokratikong institusyon.
Pinaalalahanan ng Senate media si Marcoleta na hindi kakampi ng anumang political faction dahil ang pangunahing tungkulin nito ay hanapin ang katotohanan, beripikahin ang impormasyon at panagutin ang mga nasa kapangyarihan.
Samantala, humingi ng paumanhin si Marcoleta sa media matapos ang kanyang naging pahayag.
Aniya, hindi niya sinasadya ang pahayag at bunga lang ito ng kanyang frustration o pagkadismaya sa mga pangyayari kabilang na ang aniya’y pagkakaantala sa imbestigasyon sa flood control projects at ang hindi pagbanggit sa kanyang pangalan sa kaugnay na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) noong Enero 2025.