Mariing itinanggi ni Rep. Terry Ridon, miyembro ng House Prosecution Team, ang alegasyong tumanggap siya ng “maleta” na naglalaman ng pera kapalit ng pagsuporta sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni Ridon na hindi kailanman nabanggit ang kanyang pangalan sa orihinal na affidavit na inilabas kaugnay ng naturang paratang.
Ayon sa kongresista, isinama lamang umano ang kanyang pangalan sa mga sumunod na pahayag kahit wala umanong sapat na batayan ang alegasyon laban sa kanya.
Iginiit din ni Ridon na wala siyang natanggap na anumang pera o benepisyo at handa siyang harapin ang anumang akusasyong ibinabato laban sa kanya.
Giit pa niya, nakikita niyang bahagi lamang ng pagtatangkang siraan ang House Prosecution Team ang mga paratang upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyung nakapaloob sa impeachment complaint. Sa kabila nito, tiniyak ng mambabatas na mananatiling nakatuon ang prosecution panel sa paghahanda at paghaharap ng mga ebidensya sa oras na umusad ang impeachment proceedings.