Nakiisa ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Serbisyo Caravan na ginaganap sa Rizal Park, Maynila ngayong araw bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang aktibidad na layong ilapit sa publiko ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa gitna ng pagdiriwang ng kalayaan at pagkakaisa.
Sa caravan, inilapit ng DMW sa mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang pamilya ang mga programa nito, kabilang ang reintegration services, impormasyon tungkol sa OFW Hospital, at mga programang nakatuon sa Kaalaman, Kalinga, at Kabuhayan.
Ayon sa DMW, layunin ng mga programa na matulungan ang mga OFW sa kanilang maayos at ligtas na pagbabalik at muling pagsisimula sa bansa.
Alinsunod ito sa direktiba ng administrasyong Marcos na palakasin ang serbisyo para sa mga tinaguriang Bagong Bayani. Katuwang ng DMW sa aktibidad ang mahigit 50 ahensya ng pamahalaan, kabilang ang DOLE, DFA, DOH, TESDA, PhilHealth, SSS, Pag-IBIG Fund, at iba pa, sa pagpapalawak ng serbisyong direktang inilalapit sa mamamayan.