Nakahanda na ang tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong komunidad kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Sarangani at iba pang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa DSWD, may naka-preposisyon nang 1.1 milyong family food packs at mahigit 80,000 non-food items sa iba’t ibang bodega sa Mindanao, para matiyak ang mabilis na pamamahagi ng tulong kung kinakailangan.
Nananatili ring handa ang kagawaran na magbigay ng augmentation support sa mga lokal na pamahalaan para sa ano mang relief at response operations.
Iniutos na rin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa lahat ng regional directors ng ahensya sa Mindanao na agad makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, para maihanda ang kinakailangang logistics at manpower para sa posibleng deployment.
Sa ngayon, abala na ang DSWD SOCCSKSARGEN Region sa paghahanda para sa deployment ng Mobile Command Center, para mapalakas ang koordinasyon at mapabilis ang pagtugon sa mga apektadong lugar, partikular sa Sarangani at General Santos City.
Kasunod nito, pinaalalahanan naman ng DSWD ang publiko na manatiling alerto, makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan, at alamin ang pinakamalapit na evacuation center dahil inaasahan pa ang mga aftershock at nananatiling may banta ng tsunami sa ilang lugar.