Hindi dapat kumilos si Senator Alan Peter Cayetano na tila siya ang biktima.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro nang hingan ng reaksiyon sa naging payo ni Cayetano kay Acting Senate President Win Gatchalian na huwag magpagamit sa Malacañang.
“Ang hiling lang po natin, sana ay huwag kumilos ang nasabing opisyal na parang siya pa ang biktima. Marami pong nabiktima ang kaguluhan sa Senado. Unang-una pong nabiktima dito ay ang taumbayan na naniniwala sa integridad ng Senado. Ang kaguluhan pong ito ay naganap sa pamumuno ni dating Senate President Alan Cayetano.” -Castro
Ayon kay Castro, marami ang tunay na naging biktima sa naganap na kaguluhan sa Senado noong Mayo at hindi kabilang dito sa Cayetano.
”Ang lahat ng kaguluhan nito ay hindi dahil sa pakikialam ng Malacañang. Ang putukang nangyari sa Senado noong May 13, ito ay alam, may permiso, aprubado ni Senator Alan Cayetano. Ang pag-lock-and-load order na isinagawa at inutos ni General Aplasca noon, ito ay aprubado ni Senator Alan Cayetano. Ang pagpapalabas o pagpapatakas kay Senator Bato Dela Rosa ay aprubado din ni Senator Alan Cayetano. Kung lahat ng ito ay sinasabing may intervention ang Malacañang, lahat ng ‘yan ay hindi mangyayari.” -Castro
Pagbibigay diin ni Castro, ang naganap na kaguluhan sa Senado mula sa gun-related incident hanggang sa pagtakas ni Senator Ronald dela Rosa ay may permiso at basbas ni Cayetano.
“Ang mga biktima rito kasama na po rito ang umaasa na mga EJK victims na mapapanagot ang dapat na mapanagot. Masasabi ring biktima rito ang dating Pangulong Duterte dahil sa ipinakita na matataas na opisyal pa ang nagkakanlong at nagpapalabas or nagpapatakas sa isang tinatawag na co-perpetrator ng crimes against humanity.” -Castro
Sabi ni Castro, kung ang payo ni Cayetano ay mag-ingat sa Malacañang, ang payo naman ng Palasyo sa mga Pilipino mag-ingat sa mga taong nagkukunwari at nagpapanggap na bawal.
“So, ang sinasabi ay mag-ingat sa Malacañang – mas mag-ingat po ang taumbayan sa mga taong nagkukunwari at nagpapanggap na banal… Wala po tayong pinapatamaan – sa lahat po ito. Kung tatamaan po siya, wala na po tayong magagawa roon.” -Castro