Hindi pumayag si Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian sa panukalang interim arrangement ni Senador Alan Peter Cayetano sa pamumuno ng Senado.
Ito ay sa gitna ng hindi magkasundong paninindigan ng dalawang grupo kaugnay ng kung sino ang lehitimong lider ng mataas na kapulungan.
Una nang sumulat si Atty. Jose Luis Montales kay bagong Senate Secretary Renato Bantug Jr. na humihiling ng pagpupulong upang pag-usapan ang panukalang interim arrangement ni Cayetano.
Sa naturang panukala, parehong lalagdaan ng mga opisyal mula sa Cayetano bloc at New Majority Bloc ang mga dokumentong may kinalaman sa pondo, kontrata, personnel actions, at iba pang opisyal na transaksyon sa Senado.
Ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, ang naging tugon ni Gatchalian sa panukala ay ang pagsulat kay Montales na nagsasabing hindi na siya ang Senate Secretary at dapat na itong i-turn over ang posisyon kay Bantug.
Dahil dito, sinabi ni Cayetano na maituturing na dalawa ngayon ang Senado.
Naninindigan pa rin si Cayetano na siya ang lehitimong Senate President, dahil kailangan umano ng 13 boto upang mapalitan siya sa pwesto. Aniya, ganito rin ang proseso para sa iba pang opisyal ng Senado, kabilang ang Senate President Pro Tempore, Senate Secretary, at Sergeant-at-Arms.
Gayunman, aminado si Cayetano na nasa kampo ni Gatchalian ang kasalukuyang kapangyarihan dahil sila ang kinikilala ng Malacañang. Gayunpaman, iginiit pa rin niya na siya ang magiging presiding officer ng impeachment court.