Masusing ininspeksyon ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang lahat ng estasyon ng tren kasunod ng Magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao.
Layunin ng hakbang na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at kahandaan ng mga pasilidad sakaling magkaroon ng sakuna o emerhensiya.
Sinuri ng iba’t ibang yunit ng MRT-3 ang mga emergency exit, conveyance facilities, advertisement frames, roof slabs, at exit lights sa bawat estasyon.
Ininspeksyon din ang mga nakalaylay na kable, mga puno at halaman sa paligid ng mga estasyon, gayundin ang kondisyon ng mga fire extinguisher, wheelchair, at medical supplies.
Ayon sa MRT-3, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na matiyak ang ligtas at maayos na operasyon ng tren para sa mga pasaherong gumagamit nito araw-araw.
Sa ngayon, nananatiling normal ang operasyon ng MRT-3 habang patuloy ang pagbabantay at regular na pagsusuri sa mga pasilidad nito.