Photo by Senate of the Philippines FB
Pormal na humingi ng paumanhin si Senator Erwin Tulfo sa mga empleyado at kawani ng Senado sa isinagawang pulong nitong Lunes kasunod ng kanyang mga naging pahayag kaugnay ng isyu sa pamunuan ng Senado.
Ang paghingi ng paumanhin ng senador ay kasunod ng mga pangambang inilahad ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon o S.E.N.A.D.O. hinggil sa kalituhan ng mga empleyado kung alin sa dalawang grupo sa Senado ang kanilang susundin—ang kampo ni Senador Alan Peter Cayetano o ang bagong liderato sa ilalim ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa nauna ring pahayag, sinabi ni Tulfo na maaaring imbestigahan at maharap sa kasong insubordination ang mga empleyadong hindi susunod sa bagong pamunuan.
Sa kanyang pagharap sa Senate employees, inamin ng senador na nadala siya ng matinding emosyon at pagkadismaya dahil sa pagkaantala ng mga gawain sa Senado.
Pero ayon kay Tulfo, hindi ito sapat na dahilan para maging katanggap-tanggap ang kanyang naging asal bilang isang opisyal ng pamahalaan.
Humingi rin siya ng direktang paumanhin sa mga empleyado ng Senado.
Tinanggap naman ni Rosel Eugenio, pangulo ng S.E.N.A.D.O., ang paumanhin ng senador sa ngalan ng mga kawani.
Ayon kay Eugenio, kinikilala ng unyon ang paghingi ng tawad ni Tulfo at ang pag-ako nito ng responsibilidad sa kanyang mga naging pahayag.
Dagdag pa niya, inaasahan ng unyon ang susunod na pakikipagpulong sa senador para mapalakas ang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng mga empleyado at ng tanggapan nito.
Samantala, muling nanawagan si Tulfo sa kanyang mga kapwa senador na resolbahin na ang kasalukuyang hindi pagkakaunawaan sa Senado upang maipagpatuloy ang mga sesyon, at maituon ang pansin sa pagpasa ng mahahalagang batas at pagtugon sa mga suliranin ng mga Pilipino.