new majority bloc
Ibibigay ng labindalawang senador mula sa New Senate Majority Bloc ang isang buwan nilang sweldo bilang donasyon sa mga naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Sa joint statement ng New Majority, pinahayag nila ang pakikiisa sa mga komunidad at pamilya sa Mindanao na kasalukuyang nahaharap sa rescue, relief, rehabilitation at pagbangon matapos ang malakas na pagyanig.
Kaya bilang personal na ambag sa relief efforts, napagkasunduan ng mga Senate New Majority na i-donate ang kanilang isang buwang sweldo para makatulong sa mga biktima ng kalamidad.
Hinimok rin nila ang mga senador mula sa Minority Bloc na makibahagi sa kanilang inisyatiba, na anila ay simbolo ng pagkakaisa at malasakit para sa lahat ng mga pilipino sa gitna ng sakuna.
Sinabi ng Senate New Majority na higit sa pinansyal na tulong, layunin din nilang ipadama sa mga taga Mindanao na hindi sila nag-iisa sa pagharap sa trahedya.
Dagdag pa ng grupo, ang kanilang kontribusyon ay maaaring gamitin para sa agarang pangangailnagn tulad ng pagkain, malinis na tubig, gamot, pansamantalang tirahan at iba pang pangunahing serbisyo para sa mga apektadong komunidad.
Tiniyak ng New Majority na makikipag-ugnayan sila sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at lokal na opisyal para matiyak ang maayos na paghahatid ng ayuda at suporta sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar. | ulat ni Nimfa Asuncion