Umabot na sa mahigit P21 milyon ang naipagkaloob na ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at iba pang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay DSWD-DRMB Director Maria Isabel Lanada, nasa mahigit P21.3 milyon na ang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi hanggang kaninang umaga.
Kabilang sa naipagkaloob sa mga apektadong residente ang halos 16,000 family food packs, mahigit 4,000 ready-to-eat food boxes, at iba’t ibang non-food items.
Nakapagbigay na rin ang ahensiya ng mahigit P4.7 milyong cash assistance sa mga nasugatan, naulila, at iba pang biktima sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Idineploy din ng DSWD ang mga Mobile Command Center sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, at SOCCSKSARGEN upang matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon, suplay ng kuryente, at internet sa mga apektadong lugar. Tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang paghahatid ng tulong hanggang makabangon ang lahat ng pamilyang naapektuhan ng sakuna.