Nilinaw ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na nananatiling 16 na boto ang kinakailangan para ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial, alinsunod sa itinatakda ng konstitusyon.
Sinabi ni Gatchalian na ang kinakailangang two-thirds vote para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay isang malinaw na mandato ng Konstitusyon at hindi naaapektuhan ng anumang pagbabago o sigalot sa liderato ng Senado.
Nakasaad aniya sa Article XI, Section 3(6) ng Saligang Batas na walang sinumang maaaring mahatulan sa impeachment trial nang walang pagsang-ayon ng to-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Biinigyang diin ng acting SP na mananatiling 16 na boto ang threshold anuman ang dami ng senador na dumalo sa paglilitis, kung aling grupo ang may kontrol sa kapulungan o kung sino ang nagpre-preside sa impeachment court.
Samantala, nakatakda ang pre-trial conference sa June 18, habang inatasan ang kampo ni Vice President Duterte at ang House prosecution panel na isumite ang kanilang mga pre-trial brief bago o sa June 15.
Nakatakda namang magsimula ang mismong paglilitis o trial proper sa July 6.
Iginiit ni Gatchalian na maayos na gumugulong ang proseso ng impeachment at malinaw ang mga patakaran na sinusunod ng Senado. | ulat ni Nimfa Asuncion