Ipinakilala ng House Prosecution ang private lawyers na tutulong sa panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay lead prosecutor Gerville Luistro, ito ay unang batch pa lamang ng mga pribadong abugado na tutulong ng walang bayad o pro bono sa prosecution team.
Kabilang dito ang ilang abugado mula Pecabar Law at Kapunan and Castillo Law Offices.
Sinabi ni Luistro, na ang unang batch ng mga pribadong prosecutor ay binubuo ng mga beteranong abogado mula sa mga kilalang law firm na may malawak na karanasan sa criminal litigation, anti-graft cases, commercial disputes, arbitration, at iba pang kumplikadong kaso.
Ayon naman kay House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, mahalaga ang magiging papel ng mga pribadong abugado sa paghahanda ng mga dokumentaryo at testimonial na ebidensyang ihaharap sa Senado.
Nilinaw rin niya na mananatiling nasa ilalim ng direktang kontrol at superbisyon ng House prosecution panel ang mga pribadong prosecutor sa buong impeachment proceedings.#