Tinukoy ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang mga pondong maaaring gamitin para sa agarang pagtugon at rehabilitasyon sa Mindanao matapos ang malakas na lindol na ikinasawi ng marami at nagdulot ng malawakang pinsala sa mga imprastraktura.
Ayon kay Gatchalian, may kabuuang P180.482 billion mula sa 2026 national budget na pwedeng gamitin.
Kabilang dito ang P17.898 billion ang magmumula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), na pangunahing pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan para sa disaster response, relief, rehabilitasyon, rekonstruksyon, at recovery efforts.
Kasama din sa mga pondong maaaring gamitin para sa pagtugon sa kalamidad ang P32.307 billion sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF)–Financial Assistance to Local Government Units, P15.897 billion mula sa Contingent Fund, at P8.163 billion mula sa Quick Response Fund ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Dimagdag ng senador, na dating chairman ng senate committee on finance, na mayroon ding P46.778 billion ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng kanilang programang Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances.
Mayroon namang P4.08 billion ang Department of Education (DepEd) para sa Disaster Preparedness and Response Program nito.
Bukod pa rito, may nakalaang P67 billion ang ahensya ngayong taon para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, na maaaring makatulong sa pag-aayos ng malawakang pinsalang tinamo ng mga paaralan dahil sa lindol.
Binigay diin ng acting senate president na mahalagang magamit agad ng ang mga pondo na ito dahil marami tayong kababayan na apektado at nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion