Nasa 5,292 na pulis at force multipliers ang nakaalerto upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang paggunita ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa buong Western Visayas sa Hunyo 12.
Sa 5,292 personnel na nakatakdang magbigay ng seguridad, 4,430 ay miyembro ng Philippine National Police, 761 force multipliers, at 101 augmentation units na tututok sa police visibility, traffic management, checkpoint operations, border control, emergency response, at iba pang law enforcement activities upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Police Regional Office 6 Director BGen. Randulf Tuaño, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng PRO6 na tiyaking ligtas at payapa ang pagdiriwang ng mga mamamayan habang pinapanatali ang mataas na antas ng kahandaan ng kapulisan sa buong rehiyon.
Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pagtutulungan ng kapulisan, mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at mga force multipliers sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Kasabay ng pagdiriwang ng kalayaan ng bansa, muling pinagtitibay ng PRO6 ang pangako nitong maghatid ng serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman ng publiko.
Tiniyak ng PRO6 na nananatiling nakaalerto at handang tumugon ang lahat ng units upang matiyak na magiging ligtas, maayos, at makabuluhan ang paggunita ng Araw ng Kalayaan sa buong Western Visayas.
📷 ORD-PRO6