Isang dekada matapos simulan, may liwanag nang natatanaw para sa mga motorista at residenteng naghihintay sa pagtatapos ng Alaminos-San Pablo Bypass Road.
Inatasan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang mabilisang paglalabas ng pondo para sa right-of-way (ROW) payments matapos nitong personal na bisitahin ang proyekto ngayong Huwebes, June 11, 2026. Ang hakbang na ito ay bunsod ng mga reklamo ng mga lokal na lider at residente na matagal nang dapat nakikinabang sa kalsada na sinimulan pa noong 2016.
Dahil sa hindi pagkakasundo sa presyo ng lupa, naantala ang mahigit 3-kilometrong bahagi ng proyekto sa Brgy. San Miguel, San Pablo City. Ayon kay Dizon, bahagi ang inspeksyon na ito ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking malilinis at tapat na mga contractor lamang ang hahawak sa mga proyekto ng pamahalaan upang maiwasan ang korapsyon at aberya.
Sumama rin sa inspeksyon sina San Pablo City Mayor Najie Gapangada, Alaminos Mayor Eric Lopez, at DPWH Regional Director Carol Pastrana para selyuhan ang pagtutulungan ng lokal at nasyonal na gobyerno.
Target ng DPWH na makumpleto ang buong 12.83-kilometrong bypass road sa Disyembre 2026. Ang kalsadang ito na nagdurugtong sa Laguna at Tiaong, Quezon ay inaasahang magiging solusyon sa malubhang trapiko at magpapadali sa transportasyon ng mga produkto at biyahero paluwas ng Maynila.
📷 PIA Calabarzon


