Binisita ng ilang senador mula sa majority bloc ang mga komunidad na niyanig ng lindol sa lalawigan ng Sarangani at General Santos City para maghatid ng pagkain at pinansyal na tulong.
Pinangunahan ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang pagbisita kasama sina Senador Erwin Tulfo, Senador JV Ejercito, at Majority leader Juan Miguel Zubiri.
Doon ay personal nilang sinuri ang kabuuang lawak ng pinsalang dulot ng nagdaang magnitude 7.8 na lindol at matiyak na ang agarang tulong mula sa pamahalaan ay makakarating sa mga pinaka apektadong komunidad.
Nag-abot din ang grupo ng P2.5 milyong cash assistance at mga sako ng bigas sa mga apektadong pamilya sa General Santos City at lalawigan ng Sarangani, partikular na sa mga bayan ng Alabel, Glan, Kiamba, Maasim, Maitum, Malapatan, at Malungon.
Bago ito, nangako ang Senate majority bloc na ibibigay ang kanilang isang buwang sweldo para sa relief at recovery efforts sa mga komunidad na dumanas ng pinsala dahil sa lindol. | ulat ni Nimfa Asuncion