📷DSWD
Walang tigil ang produksyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga Family Food Pack (FFP) upang matiyak ang sapat na suplay ng relief assistance para sa mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Habang nagpapatuloy ang pagpapadala ng tulong sa mga apektadong lugar, patuloy ring dinaragdagan ng ahensya ang mga kinakailangang suplay para sa paggawa ng karagdagang relief pack.
Kamakailan, tumanggap ang Luzon Disaster Resource Center (LDRC) sa Pasay City ng panibagong batch ng mga raw material na gagamitin sa produksyon ng mga Family Food Pack.
Ang bawat kahon ng FFP ay naglalaman ng anim na kilong bigas, dalawang lata ng sardinas, apat na lata ng corned beef, apat na lata ng tuna flakes, limang sachet ng 3-in-1 instant coffee, at limang sachet ng powdered cereal drink.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng kanilang paghahanda upang mapanatiling sapat ang stockpile ng relief items na maaaring agad na maipadala sa mga lugar na nangangailangan ng agarang tulong.
Una nang iniulat ng DSWD na nakapagpamahagi na ito ng mahigit 20,000 Family Food Pack, habang nananatiling nakahanda ang mahigit 4.8 milyong Family Food Pack na nakaimbak sa iba’t ibang bodega sa buong bansa.