Minabuti ng daan-daang kababayan natin na gamitin ang holiday ngayong Araw ng Kalayaan sa paghahanap ng trabaho.
Sa job fair na inorganisa ng DOLE, Public Employment Service Office (PESO), at JobStreet sa SM Center Las Piñas, naging mas madali ang proseso ng pag-aaplay. Kailangan lamang magdala ng resume, magparehistro, at pagkatapos ay maaari nang dumiretso sa mga trabahong nais nilang aplayan sa 26 na kumpanyang lumahok.
Bukod sa mga oportunidad sa trabaho, nagbigay rin ng iba pang serbisyo ang ilang ahensya ng pamahalaan. Nag-alok ang TESDA ng scholarship para sa skills training, habang ang Pag-IBIG Fund ay nagbigay ng gabay tungkol sa iba’t iba nitong programa at benepisyo.
Naroon din ang OWWA para sa scholarship programs ng mga anak ng mga OFW, habang nagsagawa naman ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng National ID registration.
Ayon sa tala noong alas-1:00 ng hapon, umabot na sa 351 ang mga rehistradong aplikante. Sa bilang na ito, 45 na ang agad na natanggap sa trabaho o hired on the spot.

