Bagama’t walang pasok sa Senado ngayong araw dahil sa pagdiriwang ng Independence Day at idineklarang holiday, ramdam ang mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa paligid ng Senate compound sa Diokno Boulevard, Pasay City.
Daan-daang pulis pa rin ang naka-deploy mula sa iba’t ibang yunit ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kabilang ang SWAT at K9 units, habang maya’t maya ang pagpapatrulya sa lugar.
Nakalatag din ang mga barrier at barbed wire sa mga gate at paligid ng Senado, habang muling isinara sa mga motorista ang northbound lane ng Diokno Boulevard mula sa kanto ng Seaside Boulevard.
Sa ngayon, payapa at normal ang sitwasyon at wala namang grupong nagsasagawa ng anumang aktibidad sa labas ng Senado, maliban sa presensya ng ilang supporter ng pamilyang Duterte na patuloy at halos isang buwan nang nagca-camp out sa lugar.
Una nang sinabi ng NCRPO na bagama’t wala silang natatanggap na beripikadong banta sa Senado, nananatili silang naka-full alert at handang magpadala ng karagdagang tauhan kung kinakailangan.