Sa inilunsad na malawakang Kalayaan Job Fair sa SM Megamall Cinema 3 ngayong Independence Day na layong maghatid ng libo-libong oportunidad sa mga kababayan nating job seekers, umabot na sa 6,000 trabaho ang naghihintay sa kanila sa naturang job fair.
Hatid ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong, sa pamumuno ni Mayor Menchie Abalos, at sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE), ibinahagi ni Mandaluyong Public Employment Service Office (PESO) Manager Catherine Javier Hicban, umabot na sa 6,000 job vacancies para sa local at overseas employment ang binuksan ng may 50 kumpanya.
Tampok sa nasabing aktibidad ang pagbubukas ng iba’t ibang posisyon para sa mga mason, nurse, housekeeping staff, at maging ang mga nagnanais na pumasok sa hanay ng kapulisan.
Bukod sa mabilis at maginhawang proseso ng aplikasyon, marami ang agad na naging Hired-on-the-Spot o HOTS.
Maliban sa oportunidad maging HOTS, nagtayo rin ng isang kapaki-pakinabang na one-stop shop sa mismong lokasyon ng job fair.
Dito ay madaling nakakuha ang mga aplikante ng mga kinakailangang dokumento mula sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Pag-IBIG, SSS, PhilHealth, PSA, BIR, at PNP.
Layunin ng proyektong ito na magbigay ng direktang tulong at pag-asa, hindi lamang para sa mga residente ng Mandaluyong kung hindi maging sa mga nagmula pa sa mga karatig-lungsod at iba’t ibang probinsya, upang matiyak ang isang mas magandang kinabukasan para sa bawat manggagawang Pilipino.#