NCRPO
Nananatiling pangkalahatang mapayapa ang sitwasyon sa mga aktibidad ng iba’t ibang grupo sa Metro Manila ngayong Araw ng Kalayaan.
Gayunman, sa panayam ng media sa Camp Crame, sinabi ni NCRPO Spokesperson Police Major Hazel Asilo na isang pulis ang inisprayan ng pintura sa ulo ng isang raliyista na umano’y nag-vandalize habang nagpoprotesta sa Kalaw Avenue sa Maynila.
Ayon kay Asilo, sinubukan nilang pigilan ang naturang indibidwal, ngunit inisprayan nito ng pintura ang isang pulis na nakasibilyan. Tinangka rin umano itong arestuhin, ngunit nagpumiglas ito at tumakbo. Hinubad din umano nito ang kanyang damit upang hindi makilala.
Tiniyak naman ng NCRPO na nasa maayos na kondisyon ang pulis na inisprayan ng pintura.
Hawak na rin ng pulisya ang larawan ng naturang raliyista at patuloy na inaalam kung saang grupo ito kabilang.
As of 12:00 NN, mahigit 900 indibidwal na ang nakilahok sa iba’t ibang pagtitipon sa Metro Manila.
Samantala, wala pang namo-monitor na anumang banta sa seguridad ang pulisya kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.