Binigyang-diin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pangangailangang palakasin ang local disaster planning kasunod ng lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Dy, mahalaga ito upang matiyak ang kahandaan sa sakuna at risk-based planning ng mga lokal na pamahalaan, lalo na sa mga lugar na bulnerable sa lindol, pagguho ng lupa, at pagbaha.
Matatandaang bumisita si Speaker Dy noong nakaraang linggo sa Mindanao kasama ang delegasyon ng mga miyembro ng Kamara upang personal na masuri ang epekto ng kalamidad sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay Dy, bagama’t hindi kayang hulaan ang lindol tulad ng bagyo, maaari pa ring mabawasan ang mga panganib sa pamamagitan ng maayos na pagpaplano, hazard mapping, at tamang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan.
Giit pa ng Speaker, dapat isaalang-alang ng mga LGU ang lahat ng posibleng panganib sa kanilang mga nasasakupan—hindi lamang lindol kundi pati na rin ang landslide at pagbaha, upang mas maprotektahan ang mga residente at mabawasan ang bilang ng mga biktima tuwing may sakuna.
Una nang tiniyak ng House leader na handa ang Kamara na isama sa 2027 national budget ang pagsasaayos ng mga pinsala sa imprastraktura na tinamaan ng pagyanig.