Iminungkahi ni Sen. Chiz Escudero na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga non-tax revenue source sa halip na magpatupad ng mga bagong buwis upang mapalakas ang kita ng gobyerno.
Ayon kay Escudero, maaaring pagkakitaan ng pamahalaan ang mga likas na yaman ng bansa, partikular ang mga coal resource sa Cagayan, Isabela, South Cotabato, at Sarangani, sa pamamagitan ng transparent at competitive bidding para sa exploration at production agreements.
Giit ng senador, dapat munang lubos na mapakinabangan ng gobyerno ang mga likas na yaman ng bansa bago magpatupad ng panibagong buwis.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan pa ng economic managers ang ilang panukalang revenue measures, kabilang ang posibleng pagtaas ng buwis sa matatamis na inumin at ilang produktong pagkain, Motor Vehicle Road User’s Tax, at excise tax sa single-use plastics.
Ayon kay Escudero, kung maayos na maipatutupad ang mga kasunduan sa coal exploration, maaari itong makalikom ng hanggang P1 trilyong paunang kita at humigit-kumulang P70 hanggang P100 bilyon kada taon bilang non-tax revenue. Umaasa ang senador na mabibigyang-pansin ng pamahalaan ang mga alternatibong pagkukunan ng pondo upang masuportahan ang mga programang pangkaunlaran nang hindi nadaragdagan ang pasanin ng mga mamamayan.