Nanawagan si Sen. Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na aksyunan ang sinapit ng isang biyuda na sinasabing napilitang maghanap ng malaking halaga para sa agarang operasyon ng kanyang asawa, ngunit nauwi pa rin sa pagkamatay nito dahil umano sa hindi agarang pagkakaloob ng kinakailangang serbisyong medikal.
Sa isang social media post ni Ginang Maria Lourdes Sulit, na namatayan ng asawa noong Hunyo 4 dahil sa brain hematoma, sinabi niyang ipinaalam umano ng mga opisyal ng PhilHealth na hindi kwalipikado ang kanyang asawa para sa benepisyo ng ahensya dahil hindi ito umabot ng 24 oras na naka-confine sa ospital bago pumanaw.
Aniya, nakapagtataka ito dahil mahigit 25 taon nang miyembro ng PhilHealth ang kanyang asawa at regular na naghuhulog ng kontribusyon.
Ikinuwento rin ni Sulit na sa unang ospital na kanilang pinuntahan, tinatayang aabot sa P4 milyon ang gastos para sa brain surgery ng kanyang asawa.
Dahil dito, inirekomenda umano ng attending neurosurgeon na ilipat ang pasyente sa ibang ospital kung saan mababawasan ng halos P2 milyon ang halaga ng operasyon.
Gayunman, sinabi ni Sulit na pagdating sa ikalawang ospital ay hinihingan umano sila ng P1 milyong deposito bago maisagawa ang operasyon. Dahil hindi nila agad naihanda ang naturang halaga, wala umano silang nagawa kundi hintayin ang pagpanaw ng kanyang asawa.
Binigyang-diin ni Sen. Go na hindi katanggap-tanggap kung totoo pa ring ipinatutupad ang polisiya hinggil sa 24-oras na confinement requirement, lalo na’t bilyun-bilyong piso ang pondong nakalaan para sa PhilHealth bukod pa sa kontribusyon ng mga miyembro nito.
Pinaalala rin ng senador na bilang dating chairman ng Senate Committee on Health noong ika-19 na Kongreso, nagsagawa ang Senado ng serye ng mga pagdinig upang itulak ang mga reporma sa PhilHealth. Umaasa si Go na agad na tutugunan ng PhilHealth ang insidente at magbibigay ng malinaw na ulat sa publiko hinggil sa mga hakbang na ginagawa nito.