Welcome kay Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang pagkakasundo ng Estados Unidos at Iran, na aniya’y inaasahang magbibigay ng katatagan sa global energy market.
Ayon kay Gatchalian, ang inaasahang muling pagbubukas ng strait of hormuz at ang tuloy-tuloy na daloy ng mga produktong petrolyo ay makatutulong para mabawasan ang inflationary pressures o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Aniya, magdudulot ito ng malaking ginhawa sa mga mamimili na matagal nang naapektuhan ng mataas na presyo ng krudo mula pa noong March.
Gayunpaman, sinabi ng senador na hindi dapat sayangin ng pamahalaan ang pagkakataong ito at kailangang gamitin ang panahong ito para higit pang patatagin ang pangmatagalang energy security ng bansa.
Iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapabilis sa pagpapatupad ng mga renewable energy projects para mabawasan ang epekto ng mga posibleng pagkagambala sa suplay ng enerhiya sa hinaharap.
Aniya, ipinakita ng nagdaang krisis na hindi makakamit ang tunay na soberanya ng bansa kung walang matatag na seguridad sa enerhiya.
Tiniyak naman ni Gatchalian na nakahanda ang Senado na isulong ang mga kinakailangang hakbang para makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at matiyak ang sapat, abot-kaya, at maaasahang suplay ng enerhiya para sa mga Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion