Malaki pa rin ang bilang ng mga pamilyang nananatili sa evacuation centers kasunod ng yumanig na lindol sa Mindanao.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), aabot pa sa higit 4,000 pamilya o katumbas ng 19,713 indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa higit 46 evacuation centers.
Bukod pa ito sa higit 16,000 pamilyang nakikitira muna sa kanilang mga kaanak.
Tuloy-tuloy naman ang pagpapaabot ng tulong ng DSWD sa mga naapektuhan ng pagyanig.
Katunayan, sumampa na sa ₱140-million ang halaga ng tulong na naipaabot ng kagawaran sa mga tinamaang residente.
Pangunahin dito ang family food packs na ipinamamahagi sa mga nasalanta lalo na sa mga inilikas na pamilya.
