Nagsagawa ng inspeksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board-National Capital Region (LTFRB-NCR) sa mga school transport service vehicle sa ilang pribadong paaralan sa Marikina City.
Kabilang sa mga ininspeksyon ang mga sasakyang nagseserbisyo sa Marist School, Infant Jesus Academy, Our Lady of Perpetual Succor College at St. Scholastica’s Academy.
Sinuri ng mga kawani ng ahensya ang kondisyon ng mga sasakyan upang matiyak na ligtas at roadworthy ang mga ito para sa operasyon.

Tiningnan din ang mga kinakailangang dokumento ng mga operator upang masiguro na may awtorisasyon silang magbigay ng school transport service.
Ayon kay LTFRB-NCR Regional Director Atty. Zona Russet, ang hakbang na ito ay alinsunod sa Memorandum Circular Number 2012-015 na nag-uutos ng regular na inspeksyon sa mga rehistrado at operational na school transport service sa bansa.
Layunin nito na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante at mga kawani ng paaralan na gumagamit ng school service.
