Nanawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Repre Leila de Lima ng masusing imbestigasyon sa pagpapatupad ng RA 11228 na nagtitiyak sana ng PhilHealth coverage para sa Persons with Disability (PWDs).
Sa ilalim ng House Resolution No. 1113, tinutukan ang umano’y palyadong implementasyon ng automatic enrollment ng PWDs pati na ang pagkolekta ng premium at aktwal na akses sa benepisyo.
Ayon sa RA 11228, inaatasan ang automatic coverage at government subsidy sa kontribusyon ng PWDs.
Kabilang sa mga isyu ang kakulangan ng impormasyon para sa PWDs, magulong proseso ng rehistrasyon, dagdag na requirements, at mga kaso ng maling classification o hindi pag-include sa coverage kahit rehistrado.
Mas nakakabahala aniya na may mga empleyadong PWD pa rin sa gobyerno at pribadong sektor ang patuloy na kinakaltasan ng PhilHealth contributions—taliwas sa intensyon ng batas na dapat ay sagot na ito ng estado.
Giit din ni De Lima, kailangan ding repasuhin kung sapat at abot-kamay ba ang PhilHealth benefits para sa PWDs—lalo na sa rehabilitation, assistive devices, at long-term care na kritikal sa kanilang kalagayan.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng koordinasyon ng PhilHealth, Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Council on Disability Affairs (NCDA), at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na serbisyo at proteksyon sa kalusugan ng mga PWD.

