Ipinagtanggol ng Philippine Coast Guard (PCG) ang desisyon nitong ilantad sa publiko ang umano’y iligal na presensya ng lumulutang at movable platform ng People’s Republic of China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, layunin ng hakbang na ipabatid hindi lamang sa mga Pilipino kundi maging sa pandaigdigang komunidad, mga kaalyado, at mga bansang may kaparehong paninindigan ang mga umano’y paglabag ng China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Binigyang-diin ni Tarriela na mahalagang mailahad ang mga naturang insidente upang mapanatili ang transparency at maprotektahan ang umiiral na rules-based order sa rehiyon.
Iginiit din ng opisyal na magpapatuloy ang Pilipinas sa pagtatanggol sa mga karapatan at interes nito sa West Philippine Sea.